Naghatid ng kabuuang P27.77 milyong halaga ng libreng serbisyong medikal ang Bicol Regional Hospital and Medical Center (BRHMC) sa ilalim ng Handog ng Pangulo 2026 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon kay Mary Nathalie Cadag, Chief Administrative Officer for Finance ng BRHMC, 1,595 pasyente ang nakinabang sa mga libreng serbisyong medikal, kabilang ang 161 pasyente sa Emergency Room, 1,353 outpatient at 81 inpatient. Kabilang din dito ang 336 maternity patients, na binubuo ng 15 ER, 294 outpatient at 27 inpatient cases.
Umabot sa P13.89 milyon ang kabuuang libreng serbisyo sa ER, habang P4.67 milyon naman sa outpatient at P9.22 milyon sa inpatient basic services. Kabilang sa mga naging source ng coverage ang PhilHealth, Health Maintenance Organizations (HMO), CAF at iba pang quantified free services.
Bukod dito, nakipag-ugnayan din ang Philippine Statistics Authority sa ospital para sa libreng pagbibigay ng mga dokumento tulad ng birth certificate.
Samantala, malaki ang pasasalamat ni Cadag kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga programang nakatulong sa pagpapabuti ng kanilang serbisyo at pasilidad sa BRHMC. Aniya kabilang na dito ang pagpapatupad ng Zero Balance Billing kung saan umabot na sa higit 160,000 pasyente ang natulongan ng programang ZBB simula ng ipatupad ito ng Pangulo noong 2024 hanggang Agosto 2026.