Nagpalabas ng kautusan ang Malacañang na nagpapaikli sa oras ng trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan sa darating na Setyembre 28 upang magkaroon ng sapat na panahon ang mga kawani na ipagdiwang ang ika-34 na National Family Week at Kainang Pamilya Mahalaga Day kasama ang kanilang mga pamilya.

Batay sa Memorandum Circular (MC) No. 136 na nilagdaan ni Executive Secretary Ralph Recto noong Setyembre 16, suspendido ang trabaho sa buong Executive branch simula alas-1:00 ng hapon sa naturang araw, na natatapat sa Lunes.
Sakop ng nasabing utos ang lahat ng ahensya at instrumentalidad ng pamahalaan sa ilalim ng sangay ng ehekutibo, kabilang ang mga Government-Owned or -Controlled Corporations (GOCCs) at mga estado o pampublikong kolehiyo at unibersidad (SUCs).
Nilinaw naman sa kautusan na magpapatuloy ang operasyon ng mga ahensya ng gobyerno na nagbibigay ng mga pangunahing serbisyong pangkalusugan, pagtugon sa mga sakuna at kalamidad, at iba pang mahahalagang serbisyo publiko.
Hinimok din ng Malacañang ang iba pang sangay ng pamahalaan, mga pampribadong sektor, at mga independiyenteng komisyon na magsuspinde rin ng trabaho upang mabigyan ang lahat ng pamilyang Pilipino ng pagkakataong makapagsama-sama.
Ang pagpapaikli ng oras ng trabaho ay alinsunod sa Proclamation No. 60 (Serye ng 1992) na nagdedeklara sa huling linggo ng Setyembre taon-taon bilang Family Week, at Proclamation No. 326 (Serye ng 2012) na nagdedeklara naman sa ikaapat na Lunes ng Setyembre bilang Kainang Pamilya Mahalaga Day.
Layunin ng National Family Week na patatagin at itaguyod ang pagkakaisa at katatagan ng pamilyang Pilipino bilang pangunahing pundasyon ng lipunan, samantalang ang Kainang Pamilya Mahalaga Day naman ay nagbibigay-diin sa kahalagahan ng sama-samang pagsalo-salo sa pagkain ng pamilya bilang bahagi ng pambansang tradisyon.