Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapabilis sa pagpapalabas ng mga bagong alituntunin para sa suspensyon at pagbabalik ng klase sa bansa sa gitna ng hindi mapagkakatiwalaang lagay ng panahon, ayon sa Malacañang nitong Huwebes.
Sa isang press briefing, ipinaliwanag ni Palace Press Officer Claire Castro na mismong ang Pangulo ang nagtulak na maipasa agad ang bagong guidelines dahil sa biglaang pagbabago ng panahon na nagdudulot ng perwisyo sa mga mag-aaral at magulang.
“Minamadali po ito, dahil nga ang sabi ng Pangulo kahapon na ang panahon ay paiba-iba, lalo na ngayon at minsan biglang bubuhos ang ulan o bigla namang walang ulan,” pahayag ni Castro.
Ayon sa Malacañang, kasalukuyan pang inaaral ang iminumungkahing alituntunin upang matiyak na magiging maayos ang koordinasyon sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan (LGU), Department of Education (DepEd), at mga paaralan. Lalo nitong iiwasan ang pagkalito sa oras ng pag-anunsyo kapag biglang gumanda o lumala ang panahon.
“Kailangan pong aralin para hindi po magkaroon ng miscommunication o malito ang mga magulang, ang mga bata kung anong oras papasok o hindi papasok,” dagdag pa ni Castro.
Sa ilalim ng iminumungkahing sistema, magkakaroon ng mas malinaw na papel ang mga lokal na pamahalaan batay sa mga weather alert level (tulad ng red o yellow rainfall warning) upang matukoy kung ang anunsyo ay dapat magmula sa alkalde, gobernador, o sa DepEd.
Una rito, inihayag ni Education Secretary Sonny Angara na magsusumite ang DepEd ng isang panukalang Executive Order (EO) kay Pangulong Marcos. Layunin ng nasabing EO na bigyan ng mas malawak na kapangyarihan ang mga lokal na opisyal at pinuno ng mga paaralan na magdesisyon sa suspensyon o pagpapatuloy ng face-to-face classes batay sa aktuwal na sitwasyon sa kanilang nasasakupan.