Iginiit ni Senadora Risa Hontiveros ang kahalagahan ng pagkakaroon ng Philippine-based legal representative ng mga online platform para mas mabilis na makapagpatupad ng mga legal na utos ang mga otoridad laban sa online sexual abuse at exploitation ng mga bata.
Inihayag ito ni Hontiveros sa pulong kasama ang mga kinatawan ng Roblox, kasabay ng pagtalakay sa Senado sa pinalakas na Anti-OSAEC bill o panukalang SAGIP Bata Act.
Sa ilalim ng panukala, kailangang magtalaga ang mga online platform ng kinatawan sa Pilipinas na otorisadong tumanggap ng subpoena, takedown at blocking orders, requests para sa account information at iba pang legal na direktiba.
Ayon kay Hontiveros, mahalaga ang mabilis na koordinasyon lalo na kung may batang Pilipinong posibleng biktima ng grooming o online sexual abuse.
Sinabi naman ng Roblox na mayroon na itong mga channel para makipag-ugnayan sa Philippine law enforcement at bukas itong magtalaga ng kwalipikadong third party bilang local representative.
Giit ni Hontiveros, layunin ng requirement na magkaroon ng malinaw na accountability at compliance channels sa pagitan ng online platforms at Philippine authorities.
Binigyang-diin din ng senadora na hindi lang dapat nakasalalay sa mga magulang at kabataan ang proteksyon laban sa online abuse.
Dapat ding may pananagutan ang mga platform na nagbibigay ng espasyo para sa pakikipag-ugnayan ng mga bata. | ulat ni Nimfa Asuncion