Magko-caucus muna ang mga senador para pag-usapan kung idadaan sa botohan o ipauubaya kay Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero ang pagpapasya kung babaguhin ang kanyang ruling sa voting threshold sa paglilitis kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Vicento Sotto III, magsasagawa muna sila ng caucus bago magdesisyon sa magiging proseso, bagama’t sa ngayon ay wala pa itong nakatakdang petsa.
Sinabi naman ni Senior Deputy Majority Leader JV Ejercito na posibleng sa Lunes, September 21, nila isagawa ang caucus.
Ito ay bago ang oral arguments sa September 23, na susundan ng pagtalakay at posibleng botohan sa usapin ng voting threshold.
Sinabi rin ni Senador Erwin Tulfo na nais muna niyang marinig ang opinyon ng kanyang mga kasamahan bago magdesisyon kung kailangan bang baguhin ang 16-vote threshold at kung kinakailangan itong idaan sa botohan.
Ayon kay Tulfo, nais niyang malaman kung bakit may mga senador na naniniwalang dapat ibaba ang threshold, habang may iba namang naninindigang dapat manatili ito sa 16 na boto.
Si Senator Erwin ang naghain ng motion na kumukuwestiyon sa naunang ruling ni Escudero kaugnay ng bilang ng boto at kung sinu-sino ang dapat isama sa bilang ng mga senator-judge para sa conviction. | ulat ni Nimfa Asuncion