Tiniyak ng Manila Electric Company (Meralco), katuwang ang pamahalaan, ang kahandaan nito sa posibleng epekto ng very strong El Niño sa bansa.
Bilang bahagi ng paghahanda nito, nakakontrata na ang Meralco ng sapat na supply ng kuryente para sa mahigit 8.3 milyong customer nito.
Ayon kay Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe Zaldarriaga, inaasahan nila ang pagsipa ng demand sa kuryente kasabay ng mas mainit na temperatura dahil sa very strong El Niño.
Bukod dito ay regular din ang isinasagawang maintenance, upgrades, at pagpapalakas ng distribution network para matiyak na nasa maayos na kondisyon ang mga pasilidad ng kuryente.
Nanawagan naman ang Meralco sa kanilang mga customer na maging masinop sa paggamit ng kuryente. Kabilang na rito ang pag-unplug ng mga appliance kapag hindi ginagamit, paggamit ng natural light, at pag-set sa 25 degrees Celsius ng thermostat ng aircon. Bahagi rin ng paghahanda ng Meralco ang paghikayat sa malalaking negosyo na sumali sa Interruptible Load Program ng pamahalaan.