Photo courtesy of Philippine Coast Guard
Mariing kinondena ng Department of Foreign Affairs o DFA ang panibagong panggigipit ng China Coast Guard sa barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ito ay matapos ang insidente na pagbangga ng China Coast Guard vessel sa barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR na BRP Datu Magat Salamat.
Ayon sa DFA, walang anumang dahilan para maging agresibo ang Tsina at isapeligro ang buhay ng mga Pilipinong crew. Binigyang-diin ng pamahalaan na nagpapatrolya lamang ang BFAR upang maghatid ng tulong sa mga mangingisdang Pilipino sa lugar.
Lumalabas din na ang iligal at delikadong aksyon ng barko ng China ay malinaw na paglabag sa international law kabilang na ang United Nations Convention on Law of the Sea o UNCLOS, 2016 Arbitral Award, 1972 International Regulations for Preventing Collisions at Sea (COLREGS) at 1974 Safety of Life at Sea Convention (SOLAS)
Nanawagan naman ang Pilipinas sa gobyerno ng China na igalang ang karapatan ng Pilipinas sa Exclusive Economic Zone at itigil ang mga aksyong lalong nagpapainit ng tensyon sa rehiyon.