Personal na nasaksihan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang bunga ng pagtutulungan ng Department of Science and Technology (DOST) at Nutridense Food Manufacturing Corporation sa Sta. Barbara, Pangasinan.
Ang Nutridense ay isang lisensiyadong food manufacturer na gumagawa ng research-based at nutrient-rich na mga produkto na nakatutulong sa pagtugon sa malnutrisyon.
Benepisyaryo rin ang kumpanya ng Small Enterprise Technology Upgrading Program (SETUP) at gumagamit ng mga commercialized food technologies ng Department of Science and Technology–Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI).

Sa pagbisita ng Pangulo, ipinakita ng kumpanya kung paano naiaangkop at nagagamit sa aktuwal na produksyon ang mga teknolohiya batay sa pangangaylangan ng Nutridense.
Ayon kay DOST Secretary Renato Solidum Jr., matagal nang katuwang ng ahensiya ang Nutridense at patuloy na pinalalakas ang kanilang ugnayan upang mapalawak ang produksyon ng masustansiyang pagkain.
Kinilala naman ni Nutridense President Racky Doctor ang suporta ng DOST at iba pang ahensiya ng pamahalaan sa pagpapalakas ng kapasidad ng kumpanya.
Binigyang-diin naman ni Pangulong Marcos ang pangangailangang palakasin ang pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor upang mapaunlad ang industriya at mapalawak ang produksyon ng masustansiyang pagkain.