Photo courtesy of Department of Social Welfare and Development (DSWD)
Nakaalerto na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa posibleng epekto ng Tropical Storm Dujuan na kasalukuyang nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, tuloy-tuloy ang paghahanda ng ahensya at produksiyon ng family food packs sa mga disaster resource center para matiyak ang agarang pagresponde sakaling kailanganin ng mga lokal na pamahalaan.
Batay sa DROMIC report nitong alas-6 ng umaga, may naka-preposisyong mahigit 2.9 milyong family food packs, 294,101 non-food items at 285,995 ready-to-eat food packs ang DSWD sa buong bansa.
Samantala, nagpapatuloy pa rin ang relief operations ng ahensya para sa mahigit 3 milyong pamilyang naapektuhan ng habagat at mga bagyong Luis, Maymay, Neneng, at Pilandok.
Sa kabuuan, nakapaghatid na ang DSWD ng mahigit 3.7 milyong family food packs, higit 23,000 non-food items, mahigit 53,000 ready-to-eat food packs, at nasa 1,419 iba pang food items, bukod sa ₱23.2 milyong financial assistance.