Tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na hindi makakaapekto sa kanilang trabaho ang anumang ingay o kilos-protesta sa labas ng kagawaran kaugnay ng nakatakdang pagharap ni Senator Robinhood Padilla sa September 25 at October 9.
Kaugnay ito sa subpoena ni Padilla na nag-ugat sa umano’y pagtulong niya sa pagtakas ni Senator Ronald Bato Dela Rosa.
Isinagawa ng DOJ ang pahayag sa gitna ng mga umiikot na panawagan sa social media mula sa mga tagasuporta ng senador na magtipon-tipon sa labas ng tanggapan bilang pagpapakita ng suporta sa mambabatas.
Ayon kay DOJ Usec. Ian Norman Dato, pagdating naman sa seguridad sa kagawaran pinauubaya na nila ito sa law enforcement authorities.
Nabatid na pinagsusumite si Padilla ng counter-affidavit at iba pang supporting documents, kabilang ang mga affidavit ng kanyang mga testigo, kung mayroon kaugnay ng kinakaharap niyang reklamong obstruction of justice.