Tiniyak ng Bureau of Corrections na hindi makakalusot ang paggamit ng drones upang magpasok ng kontrabando o makatakas ang sinumang persons deprived of liberty mula sa kulungan.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Catapang Jr., malabong magamit ang drones para makatulong sa pagtakas ng PDL. Una sa lahat, sa ingay pa lamang nito, madali itong makita ng mga tauhan ng BuCor at imposible rin na hindi ito ma-detect mula sa mga CCTV system na nagkalat sa mga kulungan.
Lahat din aniya ng prison at penal farm ng BuCor ay no-fly zone at 24/7 na may nakabantay sa watchtowers para sa mga nagpaplanong makatakas mula sa kulungan.
Sa posible namang pagpapasok ng kontrabando gamit ang drones, agad na maa-alerto ang mga tauhan ng BuCor kung maririnig ang motor nito, kaya malabo na magamit ang drones para dito. Kung makakalusot naman ang anumang device sa loob ng pasilidad, agaran din itong ma-detect bago pa man makarating sa mga PDL.
Pagsisiguro ng BuCor, bantay-sarado ang mga kulungan at titiyakin nilang walang makakalusot sa kanilang pasilidad.