Photo courtesy of House of Representatives
Muling iginiit ni House Speaker Faustino Dy III ang pagsusulong ng Anti-Political Dynasty Law bilang isa sa mga prayoridad ng Bagong Kongreso.
Kasunod ito ng desisyon ng Supreme Court nag-aatas sa Kongreso na kumilos para maisabatas ang constitutional policy laban sa political dynasties, matapos ang matagal na kawalan ng enabling law.
Ayon kay Dy, may pagkakataon ang Kongreso na bigyang-bisa ang probisyong ito ng 1987 Constitution, 39 taon matapos itong pagtibayin.
Layunin aniya ng panukala na tiyakin ang pantay na oportunidad sa serbisyo publiko at maiwasan ang konsentrasyon ng kapangyarihang pampulitika sa iilang pamilya.
Binigyang-diin ng Speaker na dapat maging patas, malinaw, at makatwiran ang magiging legal framework, habang pinananatili ang karapatan ng mga botante na pumili ng kanilang mga kinatawan.
June 3, inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 8389 o proposed Anti-Political Dynasty Act, na kabilang sa mga prayoridad na panukala ng LEDAC.