Itinampok ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Charlito Martin Mendoza ang makabagong paraan ng ahensya sa pagpapadali ng tax compliance sa GovMedia Conference and Awards 2026 sa Singapore.
Bilang nag-iisang kinatawan ng Pilipinas sa panel discussion, ibinahagi ni Mendoza kung paano nakatutulong ang digital innovation upang gawing mas accessible at mas madaling maunawaan ang mga serbisyo ng pamahalaan.
Sentro ng kanyang presentasyon ang 2026 BIR Interactive Digital Tax Calendar, na kinilala bilang Philippines Digital Initiative of the Year – Finance Award.
Ayon kay Mendoza, binuo ang digital calendar batay sa mga madalas itanong ng mga taxpayer tungkol sa deadlines, requirements, forms, at proseso ng pagbabayad ng buwis.
Aniya, nakatanggap ang BIR ng positibong tugon mula sa publiko dahil naging mas malinaw at mas madaling ma-access ang mga gabay sa buwis at mga bagong regulasyon.
Hinimok ng BIR Commissioner ang iba pang ahensya na ipagpatuloy ang digital transformation habang nakikinig sa pangangailangan ng mamamayan at ng mga frontline personnel.