Snip from West Philippine Sea Transparency Group FB
Sa kabila ng pagbuhos ng ulan, lumahok at nakiisa ang publiko mula sa iba’t ibang sektor sa National Peace Walk ngayong Linggo bilang paggunita sa ika-10 anibersaryo ng 2016 South China Sea Arbitral Award, kung saan muling iginiit ng pamahalaan ang paninindigan ng bansa para sa kapayapaan, soberanya, at tuntunin ng batas sa West Philippine Sea.
Sa programang isinagawa ngayong umaga sa Quirino Grandstand sa Lungsod ng Maynila, sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. na ang simpleng paglalakad ay sumisimbolo sa pagkakaisa ng mga Pilipino sa pagtatanggol sa karapatan ng bansa. Binigyang-diin din niya na ang tunay na kapayapaan ay nakabatay sa katarungan, katapangan, at pagkakaisa ng buong sambayanan.
Samantala, iginiit ni National Security Adviser (NSA) Eduardo Oban Jr. na ang usapin sa West Philippine Sea ay hindi lamang isyu ng teritoryo, kundi usapin din ng kabuhayan, seguridad, at kinabukasan ng mga susunod na henerasyon. Aniya, patuloy na maninindigan ang Pilipinas sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at ng 2016 Arbitral Award.
Hinikayat naman ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang mga Pilipino na “yakapin” ang West Philippine Sea bilang mahalagang yaman ng bansa. Ayon sa kanya, ang pagprotekta rito ay hindi lamang para sa kasalukuyang henerasyon kundi para rin sa mga susunod na henerasyon ng mga Pilipino. Tiniyak din niyang magpapatuloy ang pamahalaan sa pagpapalakas ng depensa at pangangalaga sa teritoryo ng bansa.
Matatandaang noong Hulyo 12, 2016, naglabas ng desisyon ang Permanent Court of Arbitration sa The Hague na pumabor sa Pilipinas at nagpasyang walang legal na batayan ang “nine-dash line” claim ng China sa South China Sea. Kinilala rin ng tribunal ang mga legal na karapatan ng Pilipinas sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) nito sa West Philippine Sea, batay sa nakasaad sa UNCLOS.