Photo courtesy of 17th Infantry Battalion, Philippine Army
Sampung Local Government Units (LGUs) sa lalawigan ng Cagayan ang nagpasa ng mga resolusyong nagdedeklara sa Hulyo 12 ng bawat taon bilang “West Philippine Sea Victory Day.”
Kasunod ito ng panawagan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) bilang pagpapakita ng suporta sa paninindigan para sa sovereign rights at maritime jurisdiction ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Kabilang sa mga nag-apruba ang lungsod ng Tuguegarao at ang mga bayan ng Alcala, Amulung, Baggao, Iguig, Lal-lo, Lasam, Solana, Allacapan, at Sanchez Mira.
Ang iba pang mga munisipalidad ay nasa proseso na rin ng pagrepaso at pag-apruba ng kaparehong resolusyon, na nagpapakita ng lumalakas na suporta ng mga LGU para sa taunang paggunita sa makasaysayang tagumpay ng bansa.
Layunin ng mga resolusyon na kilalanin ang makasaysayang 2016 Arbitral Tribunal Award na nagpatibay sa mga karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea at ipakita ang patuloy na suporta ng mga LGU sa pangangalaga sa karagatan at soberanya.
Sa pamamagitan ng hakbang na ito, ipinapakita ng mga LGU ang kanilang commitment sa pagpapalaganap ng pagkamakabayan, kamalayan, at pagkakaisa ng mga Cagayano.
Hinihikayat din ng inisyatibang ito ang mga komunidad, partikular ang mga kabataan, na unawain ang kahalagahan ng mapayapa at naaayon sa batas na pagtatanggol sa sovereign rights ng bansa.