Nakapaghatid na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 6 (FO-6) ng relief resources na nagkakahalaga ng ₱1,361,133.08 sa mga pamilyang naapektuhan ng Southwest Monsoon (Habagat) na pinalakas ng Bagyong Inday sa Western Visayas.
Batay sa pinakahuling ulat ng Disaster Response Operations Management, Information and Communication (DROMIC) ng DSWD FO-6, nakapagbigay ang ahensya ng hygiene kits at sleeping kits sa mga apektadong pamilya, gayundin ng ready-to-eat food (RTEF) para sa mga na-stranded na pasahero at drayber.
Ayon din sa datos, umabot na sa 9,592 katao ang naapektuhan ng bagyo sa Western Visayas. Sa bilang na ito, 360 katao ang kasalukuyang nananatili sa mga evacuation center, habang 385 katao naman ang pansamantalang nakikitira sa kanilang mga kamag-anak o kaibigan.
Samantala, 104 na bahay ang bahagyang nasira, habang siyam na bahay ang tuluyang nawasak dahil sa Habagat na pinalakas ng Bagyong Inday. | ulat ni Merianne Grace Ereñeta, RP1 Iloilo