Hindi tatantanan ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang mga kawatang nasa likod ng “paihi” o illegal na pagbebenta ng mga produktong petrolyo kabilang na ang Liquefied Petroleum Gas (LPG).
Ito’y makaraang maaresto ang pitong indibiduwal matapos mahuli sa aktong nagsasagawa ng “paihi” ng mga produktong petrolyo sa ikinasa nilang operasyon sa Brgy. Wawa, Batangas City sa Batangas, noong isang linggo.
Batay sa ulat ng CIDG kay PNP Chief, Jose Melencio Nartatez Jr., magdamagang minanmanan ng kanilang mga tauhan ang aktibidad ng pitong suspek habang nagsasagawa ng illegal na “paihi” ng petrolyo.
Nang mahuli na sa aktong nagsasalin ng petrolyo mula sa isang tug-boat, wala nang nagawa ang pito dahil sa wala silang maipakitang permit.
Nahaharap sa patong-patong na kaso ang mga naaresto salig na rin sa mahigpit na atas ng Department of Energy (DOE) kaugnay pa rin ng umiiral na State of National Energy Emergency, bunsod ng nagpapatuloy na sigalot sa Gulf region.