Sarado pa rin sa mga motorista ang Culiat Bridge sa kahabaan ng Congressional Avenue kasunod ng nangyaring sunog sa tulay noong weekend.
Maagang naka-deploy ang mga tauhan ng Quezon City Traffic and Transport Management Department (QC-TTMD) para gabayan ang mga motorista dahil sa mabagal na daloy ng mga sasakyan pa-EDSA at patungong Congressional Avenue.
Pinapayuhan ang mga motorista na maglaan ng dagdag na oras sa kanilang biyahe at sundin ang mga ipinatutupad na traffic rerouting.
Para sa mga sasakyang mula sa Mindanao Avenue patungong EDSA, maaaring dumaan sa Congressional Avenue, kumanan sa Oblates Father Street, kumaliwa sa Villa Socorro Street, saka kumaliwa sa Seminary Road bago dumiretso patungong EDSA.
Samantala, ang mga sasakyan mula sa EDSA patungong Mindanao Avenue ay maaaring dumaan sa Congressional Avenue, kumanan sa Cagayan Street, kumaliwa sa Corregidor Street hanggang Ilocos Sur Street, at saka dumiretso patungong Mindanao Avenue.
Una nang nag-inspeksyon kahapon si QC Mayor Joy Belmonte sa tulay na iniutos ang agarang pagsasailalim sa structural inspection para matiyak na ligtas na itong madaanan ng publiko.
Tiniyak naman ng LGU na ligtas at pansamantalang nanunuluyan sa evacuation center ang 38 pamilyang naaapektuhan ng sunog.
Target ng lokal na pamahalaan na mailipat sila sa maayos at permanenteng pabahay ng lungsod.