Patuloy na pinalalawak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang relief assistance nito sa mga lalawigang naapektuhan ng mga pag-ulan at bahang dulot ng habagat at ng Bagyong Inday.
Sa pinakahuling tala ng DSWD, aabot na sa kabuuang ₱39.7-million ang halaga ng ayudang naihatid sa apektadong LGUs sa 12 rehiyon sa bansa.
Karamihan sa mga ito ay family food packs, non food items at hot meals na mula naman sa DSWD mobile kitchen.
Kabilang sa hinatiran ng tulong ang Barangay Kihan, Malapatan sa Sarangani na ginamitan ng cable trolley para madala ang food packs, ready-to-eat food, sleeping kits, hygiene kits, at modular tents para sa mga pamilyang naapektuhan ng pagbaha.
Samantala, sa Iloilo City, namahagi rin ang DSWD Field Office VI ng ready-to-eat food at hygiene kits sa mga residenteng naapektuhan ng Bagyong Inday.
Kaugnay nito, umabot naman na sa 146,000 ang bilang ng mga pamilyang apektado ng kalamidad kung saan nasa 5,000 pamilya ang nananatili pa sa evacuation centers.
TIniyak naman ng DSWD na nananatiling nakahanda ang mahigit ₱5-bilyong halaga ng relief resources para agad na makapagbigay ng karagdagang ayuda sa mga lokal na pamahalaang mangangailangan ng augmentation.
📸 DSWD

