Photo courtesy of Department of Justice
Iniulat ni Department of Justice (DOJ) Secretary Fredderick A. Vida na mas mabilis na ngayon ang pagresolba sa mga kasong hinahawakan ng National Prosecution Service o NPS.
Sa paliwanag ng kalihim, umakyat sa 99.77 porsiyento ang case resolution rate ng NPS noong 2025 mula 98.72% noong 2024.
Tumaas din aniya sa 90.84% ang conviction rate mula sa dating 90.13%.
Ayon kay Vida, ang pagbuti ng performance ng DOJ ay bunsod ng mas mahigpit na koordinasyon sa mga law enforcement agency, mas maraming taga usig o piskal, pagsasampa ng mga kasong may sapat na ebidensiya na nagre-resulta sa mas maraming plea bargaining.
Giit ni Vida, ang pagkakaroon ng maraming piskal ay nangangahulugan ng mas maayos na koordinasyon sa mga otoridad, at mas mabusising pag-aaral sa kaso kung saan hindi na umaabot sa korte ang mga reklamong malinaw na pangha-harass lamang.
Habang mas malinaw naman sa mga akusado na tagilid ang kanilang sitwasyon sa oras na magsampa na ang DOJ ng kaso sa korte.
Ito naman aniya ay nagre-resulta sa mas maraming plea bargaining agreement.
Ito aniya ang ilan sa rason kung bakit mas mabilis na ang takbo ng hustisya sa bansa.