𝘚𝘦𝘤. 𝘓𝘰𝘱𝘦𝘻: 𝘋𝘖𝘛𝘳, 𝘩𝘢𝘵𝘪𝘥 𝘢𝘺 𝘵𝘳𝘢𝘣𝘢𝘩𝘰 𝘴𝘢 𝘱𝘢𝘮𝘪𝘭𝘺𝘢𝘯𝘨 𝘗𝘪𝘭𝘪𝘱𝘪𝘯𝘰
Patuloy ang Department of Transportation (DOTr) sa pagbibigay ng trabaho para matulungang maiahon sa hirap ang mga transport workers at maibigay nila ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya.
Ito’y bilang tugon sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa DOTr, na tiyaking ang ahensya ay makapagbibigay ng steady income sa mga nagtatrabaho sa ilalim nito lalo’t marami pa ring Pilipino ang di sapat ang kinikita sa kanilang trabaho.
Ayon kay Transportation Secretary Banoy Lopez, isa ang MRT-3 sa nagbibigay ng regular na trabaho at benepisyo sa mga empleyado nito, kabilang na ang mga train driver.
“Patuloy tayong nagbibigay ng trabaho at oportunidad sa ating mga kababayan para kumita ng maayos. Kapag sapat ang kita at benepisyo gaya ng mga train driver natin sa MRT-3, naibibigay nila ang pangangailangan ng kanilang pamilya, pagpapa-aral sa mga anak, pagkain para sa pamilya at iba pang mga bagay,” ani Secretary Lopez.
Si Arleigh Celis na ngayo’y anim na taon ng MRT-3 train driver, aminadong kapos ang kinikita nya noon bago pa nakapag-trabaho sa MRT-3. Dahil dito, tipid na tipid ang kanyang pamilya sa pagkain at pinagkakasya na lamang ang kaunting ulam sa maghapon.
“Noong wala pa ako sa MRT, madalas po talaga na kapos sa budget,” ayon kay Arleigh. Dagdag ng kanyang misis na si Ria, “pag sa isang araw, ang ulam namin halimbawa manok, nakahati na sya sa portion na umagahan hanggang tanghalian na adobo. Tapos sa gabi, dun kami mag-iitlog o kaya hotdog. Tapos kinabukasan ganun uli. Talagang tipid na tipid.”
Masaya na ngayon ang mag-asawang Celis dahil nakakaluwag na sila, sapat ang kanilang kinakain at naibibigay na rin nila kung ano ang gustong kainin ng kanilang dalawang anak na may edad pito at tatlong taong gulang.
“Nabibigay ko sa aking pamilya yung pangangailangan nila. Sa hapag kainan, yung masusustansyang pagkain. Hindi po nagugutom ang aking pamilya dahil sa MRT-3 na aking pinagtatrabahuhan,” saad ni Arleigh.
Dagdag pa niya, sumailalim siya sa masusing theoretical course, examination, at actual driving bago tuluyang naging train driver sa MRT-3 mainline noong 2020.
Kaya’t ganoon na lang ang kanyang pagpapahalaga sa kanyang trabaho na syang sumusuporta sa kanyang pamilya.