Puspusan ang ginagawang pag-alalay ng Philippine National Police (PNP) sa mga lokal na pamahalaan gayundin sa ibang ahensya partikular na sa mga lugar na apektado ng mga pag-ulang dala ng habagat na pinaigting ng bagyong Inday.
Bagaman hindi nag-landfall ang bagyo, nag-iwan ito ng matinding pinsala lalo na sa Visayas at Mindanao kung saan nakapagtala pa ng mga pagguhong lupa at flash floods, na ikinasawi ng nasa 18 katao.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., nakatuon na ang kanilang pag-alalay sa pagbibigay ng humanitarian assistance gayundin sa rehabilitasyon ng mga lugar na pinadapa ng walang patid na mga pag-ulan.
Magugunitang isinailalim sa heightened alert status ang buong hanay ng Pulisya sa buong bansa upang tiyakin ang agarang pagpapakilos para sa pagtugon sa epekto ng bagyo.
Nauna ring ipinag-utos ni Nartatez sa lahat ng mga hepe ng pulisya ang pagsasagawa ng post-typhoon assessment report, na magsisilbing gabay ng mga policy maker para sa mas mahusay at epektibong pagtugon sa mga naapektuhan ng sakuna.