Muling pinatunayan ng Pilipinas ang pamumuno nito sa kaligtasan sa rehiyon matapos nitong matagumpay na pangunahan ang ASEAN Nuclear Emergency Notification and Communication Exercise na ginanap nitong Hulyo 6 hanggang 8 sa kalakhang Maynila.
Ang tatlong araw na aktibidad ay magkatuwang na inorganisa ng Nuclear Energy Program-Inter-Agency Committee (NEP-IAC) at ng ASEAN Network of Regulatory Bodies on Atomic Energy (ASEANTOM). Layunin ng pagsasanay na ito na mas itaas pa ang antas ng kahandaan at koordinasyon ng mga bansa sa Timog-Silangang Asya sakaling magkaroon ng hindi inaasahang krisis o emergency sa enerhiyang nukleyar.
Dinaluhan ang aktibidad ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang bansa sa ASEAN, kasama ang mga internasyonal na kasosyo tulad ng International Atomic Energy Agency (IAEA), European Commission, at ASEAN Centre for Energy (ACE).
Sa pamamagitan ng mga realistic o makatotohanang senaryo ng emergency, sinubok sa exercise ang mabilisang pagpapalitan ng impormasyon sa pagitan ng mga bansa, maagang abiso (early notification), radiological monitoring, pagpaplano para sa kaligtasan ng publiko, at ang maayos na pamamahala sa pagpapakalat ng opisyal na balita upang maiwasan ang mga maling usap-usapan o fake news.
Inaasahang ang mga natutunang leksyon at resulta ng pagsasanay na ito ay higit pang magpapatibay sa pambansa at rehiyonal na sistema ng kahandaan, lalo na’t kasalukuyang isinusulong at pinauunlad ng Pilipinas ang sarili nitong programa sa enerhiyang nukleyar.