Nanawagan si Pinoy Workers Party-list Representative Karl Fernandez Legazpi sa gobyerno na paigtingin ang pagtatanggol sa soberanya ng bansa sa West Philippine Sea (WPS).
Ginawa ni Legazpi ang pahayag kasabay ng ika-10 anibersaryo ng 2016 Hague Arbitral Ruling nitong July 12.
Ayon kay Legazpi, nananatiling buhay at mahalaga ang naturang desisyon sa kabila ng patuloy na agresyon at panggigipit ng China sa mga Pilipinong mangingisda.
Diin ng mambabatas, hindi lang ito usaping diplomasya kundi usapin ng kabuhayan at seguridad sa pagkain ng bawat pamilyang Pilipino.
Kaugnay nito, naghain din si Legazpi ng House Resolution Number 1122 upang imbestigahan ng Kongreso ang napaulat na paglalagay ng China ng mga floating platforms at iba pang foreign structures sa Bajo de Masinloc na pasok sa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.