
May pagkakataon na ang mga Pilipinong manunulat na mailathala ang sarili nilang libro sa tulong ng grupong Pinoy Indie Authors (PIA).
Ito ay sa pamamagitan ng PIA Collaborations na inilunsad noong 2023 sa pangunguna ng book author at founder nito na si Ms. Mayumi Cruz. Siyam na manunulat ang nagsama-sama sa pagkatha ng mga kuwento na may temang “Manananggal in the City”. Mula noon ay nagsunod-sunod na ang kolaborasyon ng PIA sa paggawa ng fiction stories, at kalaunan ay nagkaroon na rin ng poetry collaboration.

Sa panayam ng Radyo Magasin kay Cruz, ibinahagi nito na ang PIA ay hindi lamang nag-aalok ng writing tips o workshop para sa lahat ng mga kasali sa grupo kundi sinisiguro rin ng samahan na mayroong resulta ang bawat istoryang naisusulat sa pamamagitan ng paglilimbag ng mga akda.
Aniya, laging may tema ang mga istorya na kanilang isinusulat at karaniwang may kasamang Philippine mythological creature para sa fiction stories. Ang mga miyembro ay istriktong binibigyan ng timetable ng mga kailangang gawin hanggang sa marating ang layunin na makagawa ng libro ang bawat isa.
Sa nakalipas na tatlong taon mula nang sinimulan ang PIA Collaborations, umabot na sa 34 na manunulat ang nagkaroon ng pagkakataon na magkaroon ng sarili nilang libro at makapagbenta ng kanilang akda.

Para sa mga nais na makasali sa PIA, maaaring magpasa ng inyong entry o istorya sa magasin nito na tinatawag na “The Mango Quill”.
Samantala, sa nalalapit na pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay nagbukas ang PIA ng paligsahan para sa “Pagsulat ng Dagling Katatakutan 2026” na may temang horror at nakasentro sa ghost month at mga pamahiing Pilipino. Matatagpuan ang kabuuang detalye ng naturang paligsahan ng pagsulat sa opisyal na Facebook page ng Pinoy Indie Authors.
Hangad ng PIA na madiskubre at tangkilikin ng mga mambabasang Pilipino ang kanilang librong produkto ng matagal na oras ng pananaliksik, malawak na imahinasyon, at pagsisikap na makagawa ng istoryang makapagbibigay ng aral at kasiyahan sa mga mambabasa.
Nangingibabaw sa PIA ang adbokasiya na maipakilala ang kakayahan ng manunulat na Pilipino, hindi lamang sa paglikha ng mga natatanging kuwento, kundi rin sa husay na maitaas pa ang kamalayan ng Pilipino sa panitikang sariling atin.