Septic shock dulot ng impeksyon ang dahilan ng pagkasawi ng isang Grade 4 student ng Hugo Perez Elementary School – Annex sa Trece Martires, Cavite, noong isang linggo.
Ito’y ayon sa Department of Education (DepEd) ang lumabas sa inisyal na medical findings na isinagawa sa nasawing mag-aaral.
Sa pahayag ngayong umaga, isinaad ng DepEd na July 2 isinagawa ang deworming activity nang may koordinasyon naman sa City Health Office.
Matapos ang deworming activity, may ilang mga estudyante ang sinasabing sumama ang pakiramdam kasama na ang biktima na naospital at nakaranas ng pagsusuka hanggang sa nasawi noong July 3.
Sa ngayon, gumugulong na ang imbestigasyon sa kung ano ang nangyaring pagkakamali sa deworming activity.
Nagsasagawa na rin ng review ang DepEd sa kanilang health and safety protocols para matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral.
Nagbigay na rin sila ng emotional, psychological, at logistical support sa pamilya ng biktima.