Photo courtesy of Davao de Oro PLGU
Mahigit 3,400 na magsasaka sa bayan ng Maragusan, Davao de Oro ang tumanggap ng tulong pinansyal sa ilalim ng Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program (PAFFP) ng Department of Agriculture (DA).
Umabot sa mahigit ₱8 milyon ang kabuuang halaga ng ipinamahagi sa 3,452 na benepisyaryo, kung saan bawat isa ay nakatanggap ng tig-₱2,325 na maaaring gamitin sa pagbili ng agricultural inputs at iba pang pangangailangan sa pagsasaka.
Ayon sa Provincial Agriculturist’s Office, kabilang sa mga kwalipikadong benepisyaryo ang mga rice at corn farmer na may lupang hindi hihigit sa dalawang ektarya gayundin ang iba pang magsasakang rehistrado sa Registration System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at dumaan sa validation ng Municipal Agriculturist Office.
Isinagawa ang programa sa pagtutulungan ng Department of Agriculture, Provincial Government ng Davao de Oro, lokal na pamahalaan ng Maragusan, at tanggapan ni First District Congresswoman Maricar Zamora-Mabanglo bilang suporta sa mga magsasaka sa gitna ng tumataas na gastos sa produksyon.