Nagpalitan ng pagbati si Foreign Affairs Undersecretary Ma. Theresa Lazaro (kaliwa, nakasuot ng floral dress) kay U Tin Maung Swe na kumakatawan sa Myanmar, bago simulan ang isang bilateral na pagpupulong noong Linggo (Hulyo 12, 2026) sa Bangkok, Thailand.
Muling pinagtibay ng Pilipinas at ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang kanilang kahandaan na suportahan ang paghahanap ng mapayapa at permanenteng solusyon sa krisis sa Myanmar, sa kondisyong ang proseso ay pamumunuan at pagmamay-ari mismo ng kanilang bansa (Myanmar-owned and -led).
Ito ang binigyang-diin ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro matapos magkaroon ng serye ng mga diplomatikong pagpupulong sa Thailand upang talakayin ang nagpapatuloy na sigalot at ang prosesong pangkapayapaan doon.
Sa kanyang pahayag sa X (dating Twitter), ibinahagi ni Lazaro na pinamunuan niya ang isang impormal na pagpupulong ng mga ASEAN Foreign Ministers kasama ang kanyang katapat mula sa Myanmar na si U Tin Maung Swe.
“Nakinig kami sa briefing ng Myanmar at nagpalitan ng pananaw kung paano maisusulong ng bansa ang pagpapatigil sa karahasan, paggabay sa makabuluhang diyalogo, pagpapalawak ng tulong pangkabuhayan (humanitarian assistance), at konkretong kooperasyon para labanan ang mga transnational crime sa Myanmar,” ani Lazaro.
Bago ang malawakang pulong ng ASEAN, nagkaroon din muna ng hiwalay na bilateral meeting sina Lazaro at U Tin Maung Swe sa Bangkok. Inilarawan ito ng kalihim bilang isang “tapat na palitan ng opinyon” ukol sa relasyon ng Pilipinas at Myanmar, ang ugnayan ng ASEAN sa naturang bansa, at ang mga hakbang na ginagawa ng Myanmar upang wakasan ang domestikong karahasan.
Pakikipag-usap sa mga ‘Ethnic Armed Organizations’
Upang mas mapalawak ang anggulo ng negosasyon, hindi lamang mga opisyal ng pamahalaan ang kinausap ni Lazaro. Nagtungo rin siya sa Lalawigan ng Chon Buri sa Thailand upang makipagpulong sa mga Ethnic Armed Organizations (EAOs) ng Myanmar—isang hakbang na naisakatuparan sa tulong ni Thai Foreign Minister Sihasak Phuangketkeow.
Ayon kay Lazaro, naging positibo ang takbo ng diskusyon partikular na sa kung paano makatutulong ang ASEAN sa pagpapadali ng usapang pangkapayapaan at paghahatid ng tulong sa mga apektadong mamamayan. Ang mga mungkahi mula rito ay ibabahagi sa mga pangunahing aktor sa loob at labas ng Myanmar.
Kasabay nito, hinarap din ng kalihim ang kinatawan ng National Solidarity and Peacemaking Negotiation Committee upang silipin kung paano nakikita ng kasalukuyang gobyerno ang direksyon ng kapayapaan sa bansa.
Sa kabila ng aktibong pakikialam ng rehiyonal na bloke, tiniyak ni Lazaro na nirerespeto ng ASEAN ang soberanya ng Myanmar.
“Sa parehong pagkakataon, ipinahayag ko ang kahandaan ng ASEAN na gumanap ng isang positibong papel tungo sa paghahanap ng mapayapa at pangmatagalang solusyon na pagmamay-ari at pinamumunuan mismo ng Myanmar,” pagtatapos ng kalihim.