Ilulunsad ng Quezon City Police District (QCPD) ang Student Security Protocol sa Biyernes, July 17, na kinabibilangan ng active shooter drill at iba pang emergency response exercises sa mga paaralan.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni QCPD Director Police Brigadier General Randy Glenn Silvio na layunin ng programa na ihanda ang mga mag-aaral at iba pang school personnel sa tamang pagtugon sa iba’t ibang uri ng insidente at karahasan na maaaring mangyari sa loob ng paaralan.
Bukod sa active shooter drill, isasagawa rin ang mga simulation para sa stabbing incident, bomb threat, at riot scenario bilang bahagi ng pagsasanay.
Ayon kay Silvio, makikibahagi sa aktibidad ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Quezon City local government, mga opisyal ng paaralan, at mga mag-aaral.
Iniulat din ni Silvio na mayroon nang Viber group ang lahat ng station commander ng QCPD kasama ang mga school principal at school heads upang mapabilis ang koordinasyon at agarang responde sakaling may mangyaring insidente sa mga paaralan. | ulat ni Diane Lear