Arestado ang limang miyembro ng “gapos gang” sa operasyon ng mga tauhan ng Eastern Police District (EPD) at Marikina City Police matapos umanong magpanggap na mga pulis at pasukin ang isang bahay sa Barangay Concepcion Dos, Marikina City.
Kinilala ni EPD Acting Director Police Brigadier General Melecio Buslig Jr. ang mga naarestong suspek na sina alyas “Ahorn,” “Don-Don,” “Oryong,” “Ric,” at “Beshir.”
Habang patuloy namang tinutugis ang tatlo pang suspek na kinilalang si alyas “Lloyd” at dalawang hindi pa nakikilalang suspek.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni Buslig na nagpanggap na mga pulis ang mga suspek at gumamit ng pekeng search warrant upang makapasok sa bahay ng mga biktima.
Pagpasok sa loob, pinutol umano nila ang koneksiyon ng Wi-Fi, sinira ang mga CCTV, at itinali ang mga biktima gamit ang plastic cable ties at duct tape habang tinututukan ng baril bago tinangay ang mga mamahaling gamit.
Ayon kay Buslig, maglive-in partner na kapwa negosyante ang mga biktima. Nagawa umanong palihim na gumamit ng cellphone ng isa sa kanila upang makahingi ng saklolo sa Marikina Police Sub-Station 8, dahilan upang maaresto ang mga suspek sa loob mismo ng bakuran ng bahay bandang alas-12:30 ng madaling araw noong July 13.
Nahaharap ang mga suspek sa mga kasong robbery, usurpation of authority, paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, slight illegal detention, at falsification of documents.
Narekober din sa kanila ang mga bonnet, baril, zip ties, mga cellphone, gadget, at mamahaling relo na hinihinalang pag-aari ng mga biktima. Pinaalalahanan naman ni Buslig ang publiko na agad tumawag sa emergency hotline 911 sakaling makaranas ng kaparehong modus.