Pormal nang sinampahan ng kaso ng Quezon City Police District (QCPD) ang anim na suspek na sangkot sa pamamaril sa negosyanteng si Perry Mariano at kaniyang driver sa Timog Avenue sa Quezon City noong April 28, 2026.
Ito ang iniulat ni QCPD Director PBGEN Randy Silvio sa pulong balitaan sa Camp Crame.
Ayon kay Silvio, dalawang bilang ng murder ang sinampa ng QCPD laban sa anim na suspek, habang kinasuhan naman ang tatlong suspek ng paglabag sa Republic Act 11235 o ang Motorcycle Crime Prevention Act sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Sa isinagawang malalimang imbestigasyon, sinabi ni Silvio na lumalabas na ang mga suspek ay nagsagawa ng surveilance bago ang ginawang pananambang sa mga biktima at nakita sa mga kalapit na establisyimento sa lugar.
Natukoy din aniya ang umano’y driver ng motorsiklo na kasama sa insidente ng pamamaril matapos makuha ang ginawang transaksyon sa GCash sa isang convenience store.
Bukod dito, nagsagawa rin ng forensic examination kung saan ang mga bala ng baril na ginamit sa insidente ay kaparehas umano ng ginamit sa isa pang kaso sa Arayat, Pampanga.
Sinabi ni Silvio kabilang sa posibleng motibo sa krimen ay personal na galit at negosyo ni Mariano. Tiniyak naman ng QCPD na patuloy ang kanilang imbestigasyon upang matukoy ang utak sa likod ng krimen at makamit at hustisya para sa mga pamilya ng biktima.