Nanawagan ang National Police Commission sa lahat ng pulis na itigil ang anumang uri ng pangingikil o “kotong.”
Nagbabala si NAPOLCOM Commissioner Ralph Calinisan na agad na sisibakin sa serbisyo ang sinumang pulis na mapatutunayang sangkot sa naturang ilegal na gawain.
Naglabas ng direktiba si Calinisan kasunod ng reklamong inihain ng transport group na MANIBELA at ng pamilya ng isang napatay na pampasaherong jeepney driver laban kay Police Executive Master Sergeant Edwin Figueroa.
Inakusahan ang pulis na umano’y nag-utos sa pagpatay sa driver matapos itong tumangging magbigay ng ilegal na koleksyon o “butaw.”
Ayon kay Calinisan, inatasan na niya ang Inspection, Monitoring, and Investigation Service na pabilisin ang imbestigasyon at tiyaking maresolba ang kaso sa loob ng 60 araw.
Binigyang-diin din ng opisyal na walang puwang ang anumang areglo sa imbestigasyon at pinakamabigat na parusang administratibo ang ipapataw sa sinumang pulis na mapatutunayang nangikil.
Hinikayat ng NAPOLCOM ang publiko, partikular ang mga transport worker at iba pang biktima ng pangingikil, na agad magsumbong sa ahensya, sa National Capital Region Police Office o sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya. | ulat ni Rey Ferrer