Photo courtesy of Province of Iloilo
Binuksan na ng National Food Authority (NFA) ang ₱355.4 milyong modernong post-harvest facility sa Dumangas, Iloilo upang palakasin ang pagbili, pagproseso, at pag-iimbak ng palay.
Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, bahagi ito ng hakbang ng pamahalaan para palawakin ang buffer stock ng bansa at mabawasan ang post-harvest losses sa mga pangunahing rice-producing areas.
Kabilang sa pasilidad ang modernong warehouse, 10-toneladang rice mill kada oras, at mechanical grain dryer na kayang magpatuyo ng 240 toneladang palay kada araw.
Sinabi ni Lacson na mapapabilis nito ang procurement operations ng NFA at magbibigay ng mas maaasahang pamilihan para sa mga magsasaka.
Inaasahang makikinabang dito ang mahigit 1,000 karagdagang magsasaka, habang madaragdagan naman ng hanggang 3,600 bag kada araw ang kapasidad ng NFA sa pagbili ng palay.
Sa panig ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., sinabi nito na makatutulong ang proyekto upang mapabuti ang kalidad ng ani at mapatatag ang suplay ng bigas sa bansa.