Naglabas ng direktiba si Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Jose Melencio Nartatez Jr. sa mga Police Commander nito sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na manatiling naka-alerto.
Iyan ay kasunod na rin ng mga posibleng banta na may kaugnayan sa kauna-unahang Parliamentary elections sa rehiyon kasunod na rin ng pagpapatupad ng gun ban doon.
Ayon kay Nartatez, mahigpit ang ugnayan nila sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na bahagi naman ng mga paghahanda para sa halalan sa Setyembre.
Binigyang diin pa ng PNP Chief, posible kasing gamitin ng mga nalalabing miyembro ng lawless elements gaya ng Abu Sayyaf Group at splinter factions ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang sitwasyon para wasakin ang electoral process sa lugar.
Kahya naman ipinag-utos din ni Nartatez sa mga Chief of Police na palakasin ang kanilang deployment sa mga pampublikong lugar at mga pangunahing lansangan.
Gayundin ay paigtingin ang intelligence-gathering operations upang maagap na matukoy at matugunan ang mga banta sa halalan.