Photo courtesy of Rep. Sarag Elago/Facebook
Binatikos ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago ang balak na pagpapalawig sa “no disconnection policy” ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Ayon sa mambabatas, isa lamang itong temporaryong solusyon sa bigong pagtugon sa pasanin ng mga konsyumer — ang labis na singil sa kuryente ng Meralco.
Ikinasa ng mambabatas ang pahayag matapos ihayag ng ERC na pinag-iisipan nitong i-extend ang suspensyon ng pagputol ng kuryente kasunod ng dumaraming reklamo laban sa nagtataasang power bills.
Dagdag pa niya, hindi naman nabubura ang utang kundi naiipon lamang habang patuloy na tumataas ang singil sa kuryente.
Unang inihain ng Gabriela Women’s Party ang House Resolution 1189 upang pormal na imbestigahan ang mga ulat ng overbilling, maling meter reading, at mataas na singil sa kuryente ng Manila Electric Company (Meralco).
Kasabay nito, kinuwestiyon din ng grupo ang ERC sa kabiguang protektahan ang mga konsyumer laban sa dumaraming reklamo sa singilin.
Hinimok ni Elago ang ERC na gamitin ang mandato nito bilang regulator upang obligahin ang Meralco na itama ang maling billings, ibaba ang mga hindi makatwirang singil, at unahin ang kapakanan ng publiko bago ang kita ng korporasyon.