Isinusulong nina Senadora Risa Hontiveros at Senador JV Ejercito ang pagpasa ng panukalang Masterplan for Infrastructure and National Development (MIND) Act para magkaroon ng pangmatagalang plano sa pagpapatayo ng mga imprastraktura at maiwasan ang mga hindi kinakailangan, mahal, at kuwestiyonableng proyekto ng pamahalaan.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Economic Affairs, sinabi ni Hontiveros na mahalagang maipatupad ang isang komprehensibo at tuloy-tuloy na masterplan para matiyak na ang paggasta ng gobyerno sa imprastraktura ay naaayon sa tunay na pangangailangan ng mga komunidad at sa potensyal na pag-unlad ng ekonomiya.
Ayon kay Hontiveros, naging posible ang mga iregularidad sa mga flood control projects dahil sa kakulangan ng maayos na pagpaplano bago maglaan ng bilyun-bilyong pisong pondo.
Binigyang-diin ng senadora na kapag walang malinaw na development plan, nagiging magkakahiwalay at walang direksiyon ang mga proyekto ng gobyerno, na madalas ay naaapektuhan ng pulitika sa halip na pangangailangan ng mamamayan.
Samantala, sinabi naman ni Senador JV Ejercito na kailangan ng Pilipinas ng isang 50-to-100-year blueprint para sa pagpapaunlad ng imprastraktura para makahabol tayo sa mga kapitbahay nating bansa sa ASEAN.
Aniya,nahuhuli na ang ating bansa dahil sa pabago-bagong prayoridad ng magkakasunod na administrasyon na nakatuon sa short-term political legacies.
Ayon kay Ejercito, ang mga malalaking proyektong imprastraktura ay nangangailangan ng ilang dekada ng pagpaplano, pag-aaral, at implementasyon kaya mahalagang magkaroon ng batas na magtitiyak ng pagpapatuloy ng mga ito kahit magpalit ang administrasyon.
Dagdag pa niya, makatutulong din ang MIND Act para mapigilan ang katiwalian at ang last minute na proyekto sa pambansang badyet na walang sapat na pagsusuri.
Nangako rin si Senator JV na ipagpapatuloy ng pinamunuan niyang Senate Finance Committee ang mahigpit na reporma sa proseso ng pagbabadyet, kabilang ang pagtutol sa mga late insertions sa bicameral conference committee meetings. | ulat ni Nimfa Asuncion