Nagpaalala ang Senate Impeachment Court na maaari nitong patawan ng contempt ang sinumang kalahok sa impeachment proceedings na lalabag o susuway sa mga patakaran ng korte.
Sa press briefing, sinabi ni Senate Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol na may kapangyarihan ang mga senator-judge na magmungkahi sa presiding officer na patawan ng contempt ang isang testigo, abogado, o sinumang tao sa loob ng pagdinig na nagpapakita ng hindi angkop na asal o pag-uugali.
Ayon kay Tongol, kabilang dito ang mga taong nagdudulot ng ingay o kaguluhan sa loob ng bulwagan habang isinasagawa ang paglilitis.
Gayunman, nilinaw niya na kinakailangang may mosyon muna mula sa alinman sa mga partido o sa isang senator-judge bago makakilos ang impeachment court bilang isang lupon, dahil nananatiling “passive” o hindi kusang kumikilos ang korte sa mga ganitong usapin.
Ipinaliwanag din ni Tongol na may iba’t ibang paraan ng pagpapataw ng parusa sa mga mapapatunayang lumabag sa kaayusan ng paglilitis, katulad ng mga kapangyarihang ginagamit ng Senado sa mga pagdinig nito bilang isang institusyon.
Kabilang sa mga maaaring ipataw na parusa ang reprimand o pagsaway, pagbibigay ng babala, pagpapaalis sa silid ng pagdinig, pagpapataw ng multa, at sa mas mabibigat na kaso ay pagkakakulong.