Sinabi ni Senator-Judge Ping Lacson na ang ilang manifestation na aniya’y “obviously irrelevant” o malinaw na walang kaugnayan sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ay nagsisimula nang sumubok sa pasensya ng mga nanonood at sumusubaybay sa paglilitis.
Sa isang post sa social media platform na X nitong Huwebes, ibinahagi ni Lacson ang isang biruang usapan nila ng kapwa niya senator-judge kaugnay ng mahahabang manifestation sa impeachment court.
Ayon kay Lacson, nagbiro ang isang kapwa senador kung maaari itong maghain ng mosyon para sa “division of the house” tuwing maiinis ito sa mga manifestation na walang malinaw na kaugnayan sa paglilitis.
Bilang tugon, sinabi ni Lacson na mas malamang na mas palakpakan pa ng mga nanonood sa gallery ang isang mosyon para ipagpaliban muna ang pagdinig sa tuwing humahaba ang mga ganitong talakayan.
Naging kapansin-pansin sa ikaanim na araw ng impeachment trial kahapon na walang naiharap na testigo at sa halip ay nauwi ang malaking bahagi ng pagdinig sa mga manifestation ng ilang senador at abogado ng magkabilang panig.
Ilan sa mga naging paksa ng mga talakayan ay ang panahon o timing ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation o NBI kaugnay ng multi-bilyong pisong sports complex sa Tarlac na itinayo para sa 2019 Southeast Asian Games. | ulat ni Nimfa Asuncion