Nakatuon lamang ang atensyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa trabaho at sa paglilingkod sa mga Pilipino.
Tugon ito ni Communications Usec. Claire Castro kasunod ng pinaka-huling resulta ng SWS survey na nagpapakita ng pag-angat ng satisfaction rating ng mga Pilipino sa pangulo, noong nakaraang buwan.
“Hindi iyan dini-disregard at ito naman ay nakikita rin ng mga miyembro ng Gabinete ano ang dapat na i-push, ano iyong dapat na pagtuunan ng pansin.” -Castro.
Kinakitaan rin ng pagtaas sa natanggap na performance rating ang pangulo, mula sa lahat ng lugar sa Pilipinas.
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro, tumaas man o bumaba ang pigura sa performance ng pangulo, hindi ito makakaapekto sa trabaho ng pangulo.
Naka-focus aniya ang administrasyon sa tungkulin na maipaabot sa mga Pilipino ang tulong at suportang kinakailangan ng mga ito.
“Pero ang Pangulo gumanda man, hindi gumanda ang survey para sa kaniya hindi po siya maaapektuhan nito. In the first place hindi naman siya tatakbo bilang Pangulo sa susunod. So, trabaho lang po ang Pangulo.” -Castro. | ulat ni Racquel Bayan