Hindi na sabay-sabay ang pagdagsa ng mga bisita sa Holy Cross Memorial Park sa Novaliches, Quezon City tuwing Undas, partikular kahapon, November 1.
Ayon kay James Manalansan, park manager ng sementeryo, nagsimula nang dumami ang mga dumadalaw noong October 24 at 25, na umabot sa mahigit 22,000. Nasa 85,000 naman ang naitala noong October 31 at umabot sa 100,000 ang bilang ng mga bisita noong All Saints Day na mas mataas kumpara sa 95,000 na naitala noong nakaraang taon.
Dahil hindi na nagsasabay-sabay ang pagdating ng mga bisita, naging mas manageable na umano ang daloy ng tao sa sementeryo. Maging ang sitwasyon sa trapiko ay hindi na rin tukod.
Kaninang alas-6 ng umaga, nasa 6,000 na lamang ang naitalang dumating sa sementeryo. Inaasahan ding mas kaunti na ang mga bibisita ngayong araw dahil balik-pasok na ang marami bukas.
Paalala naman sa publiko, hindi na pinapayagan ang overnight stay sa sementeryo. Bukas lamang ito hanggang alas-6 ng gabi ngayong araw.