Hindi sapat na basta pasinungalingan ng defense panel ni Vice President Sara Duterte ang mga alegasyon tungkol sa kaniyang yaman.
Sa halip, dapat nitong ipaliwanag kung paano naipon ang mga kuwestiyonableng ari-arian at kung bakit umano hindi lubusang nakasaad ang mga ito sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN.
Ito ang iginiit ni House prosecution legal spokesperson at private prosecutor Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. kasunod ng presentasyon ng prosecution sa financial findings laban sa bise presidente.
Aniya, kailangang sagutin ng depensa kung saan nagmula ang yaman na natukoy sa financial analysis at kung bakit may mga umano’y hindi naideklarang assets at financial holdings sa mga kaukulang SALN.
Nauna nang inilahad ng forensic accounting expert na si Alexander Cabrera ang hindi bababa sa ₱817.87 million ang halaga ng umano’y undeclared assets at unexplained wealth na iniuugnay kay Duterte at sa kaniyang asawang si Atty. Manases Carpio mula 2022 hanggang 2025.
Sinabi ni Cabrera, na konserbatibong pagtaya pa lamang ito batay sa mga available na rekord at posibleng umabot sa halos ₱1.5 billion ang mas malawak na computation, depende sa magiging adjustments sa mga pananagutan at buwis.
Sinabi rin ni Tolosa, na ihahambing ng prosecution ang financial findings sa mga kinita na iniulat ng bise presidente sa Bureau of Internal Revenue o BIR.
Nakatakdang magsimula ang presentasyon ng ebidensiya ng depensa sa pagbabalik ng impeachment trial sa November 9.