Photo courtesy of CIDG
Sinalakay ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang dalawang bodega ng Arborland Holdings Incorporated sa Bacolor, Pampanga.
Kasunod ito ng pagsisilbi ng search warrants ng Special Operations Team ng CIDG Regional Field Unit 3 kaugnay ng paglabag sa Republic Act No. 7394 o Consumers Act of the Philippines.
Ayon kay CIDG Director PMGen. Robert Morico II, nasamsam sa operasyon ang tinatayang ₱145 milyong halaga ng iba’t ibang klase ng heated tobacco products (HTP) at ₱5 milyong halaga ng mga sigarilyo.
Aniya, ang mga ito ay nakalagay sa unlabeled master cases at walang clearance mula sa National Tobacco Administration (NTA).
Binigyang-diin ni Morico na layunin ng operasyon na maprotektahan ang mga mamimili laban sa substandard at iligal ba tobacco products.
Nakatakda namang sampahan ng CIDG ng kaukulang kasong kriminal ang mga may-ari ng mga bodega na nananatiling at large.