Nagpatupad na ng pre-emptive forced evacuation ang lokal na pamahalaan ng Jose Abad Santos, Davao Occidental matapos ragasain ng flash flood ang isa mga barangay nito bunsod ng malakas na buhos ng ulan kagabi, Hulyo 14, 2026.
Sa Facebook Post ni Jose Abad Santos Municipal Mayor Jason John Joyce, ipinag-utos na nito ang sapilitan na pagpapalikas sa mga residente ng Sitio Kibatang, Barangay Sugal ngayong araw, Hulyo 15, 2026.
Ayon kay Joyce, kailangan ipatupad ang nasabing hakbang para sa kaligtasan ng mga residente.
Upang tumalima ang mga residente sa nasabing kautusan, ipinadala nito ang mga tauhan ng Jose Abad Santos Municipal Police Station para sa implementasyon nito.
Paglalahad ng alkalde na halos gabi-gabi ng nakakaranas ng matinding pagbaha at landslide ang kanilang bayan dahil sa malalakas na buhos ng ulan.
Sa ngayon, wala pang impormasyon hinggil sa bilang ng apektadong mga pamilya na hatid ng patuloy na sama ng panahon.
📸 Mayor Jason John Joyce FB Page