Iniimbestigahan na ng mga otoridad ang kumakalat na mensahe sa social media tungkol sa umano’y banta sa seguridad sa Malabon National High School.
Sa ngayon, wala pang opisyal na kumpirmasyon na nagpapatunay sa naturang banta. Gayunman, sinabi ng Malabon LGU na seryoso nilang tinutugunan ang anumang ulat na may kaugnayan sa seguridad ng mga estudyante, guro, at kawani ng paaralan.
Bilang pag-iingat, pinayagan nang umuwi ang mga mag-aaral, habang nananatiling naka-deploy ang mga operatiba ng Philippine National Police sa loob at paligid ng paaralan.
Nanawagan naman ang LGU sa publiko na manatiling kalmado, umiwas sa pagpapakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon, at umasa lamang sa mga opisyal na anunsyo.