Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) sa publiko na daraan sa tamang proseso ang pagsisilbi ng warrant of arrest at hindi makaaapekto ang mga personal na ugnayan at dating posisyon ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa kanilang pagsisikap na ipatupad ang warrant laban dito.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., nananatiling nakatuon ang kapulisan sa pagpapatupad ng batas nang walang kinikilingan o takot.
Tinanggap din niya ang hamon mula sa Malacañang na tiyaking hindi makaaapekto ang dating posisyon ni Dela Rosa bilang hepe ng PNP sa kasalukuyang operasyon.
Binigyang-diin ni Nartatez na dapat itaguyod ng mga pulis ang kanilang mga tungkuling nakasaad sa Konstitusyon at manatiling tapat sa batas.
Ayon sa PNP, patuloy silang tumatanggap at nagbe-verify ng mga impormasyon tungkol sa kinaroroonan ng mambabatas sa pamamagitan ng mga nakalaang hotline.
Bumuo rin ng mga “tracker team” sa buong bansa matapos lumipas ang isang linggong palugit para sa pagsuko.