Pinalalakas pa ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga hakbang upang mas ma-integrate ang sistema nito sa digital technology at mas marami pang tao ang maabot ng episyente nitong social services.
Sa panayam ng programang BOSES kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, sinabi niyang hindi lamang ang database ng DSWD ang sumasailalim ngayon sa digitalization kundi maging ang mga social services program nito, tulad na lamang ng pagkakaroon ng Online Appointment System para sa mga benepisyaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).
Gayundin, isinasagawa na rin ngayon sa pamamagitan ng cash cards at e-wallets ang disbursement ng mga ayuda at tulong sa mga sektor na nangangailangan.
Mahigpit umano ang bilin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mapabilis ang lahat ng serbisyo ng pamahalaan, lalo na ang pagpapaabot ng tulong sa mga labis na nangangailangan.
Pagtitiyak pa ni Dumlao na umpisa pa lamang ito dahil mas tinututukan na ng DSWD ang pagpapahusay ng kanilang serbisyo sa pamamagitan ng digitalization at technology integration.