Pinakikilos ni Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo Ordanes ang mga Office for Senior Citizens Affairs (OSCA) sa Albay na agad alamin ang kalagayan ng mga nakatatanda sa mga komunidad na apektado ng pag-aalboroto ng Bulkang Mayon.
Kasunod ito ng pagtataas sa Alert Level 3 sa bulkan.
Ayon kay Ordanes, partikular na dapat tutukan ang mga senior citizen na mag-isang namumuhay, may kapansanan, hirap kumilos o may malubhang karamdaman.
Kailangan aniya na matukoy kung sino ang nangangailangan ng tulong sa paglikas, transportasyon, maintenance medicines, face masks at agarang serbisyong medikal.
Binigyang-diin din ng mambabatas ang pangangailangang matiyak na natutugunan ang mga pangangailangan ng mga nakatatanda sa mga evacuation center, lalo na’t maaari silang makaranas ng sakit sa paghinga dahil sa volcanic ash.