Nagpatawag ng pulong ang House Committee on Agriculture and Food kaugnay ng paghahanda at pagtugon ng pamahalaan sa inaasahang epekto ng matinding El Niño.
Ayon kay committee chair at Quezon Representative Mark Enverga, personal itong atas ni House Speaker Faustino Dy III upang matiyak na sapat at maayos na magagamit ang pondo para sa pagbibigay ng tulong sa mga magsasaka at mangingisdang maaapektuhan ng tagtuyot.
Layon ng pulong na tiyakin ang koordinasyon ng mga ahensya ng pamahalaan, partikular ang Department of Agriculture, Department of Social Welfare and Development, Department of Labor and Employment at mga lokal na pamahalaan, upang matiyak ang magkakaugnay na hakbang at mabilis na pamamahagi ng tulong-pinansyal sa mga apektadong sektor.
Nais din aniyang masiguro ng komite na mabilis na maipamahagi ang paunang pondong nagkakahalaga ng ₱6.2 bilyon sa ilalim ng UPLIFT program para sa mahigit 310,000 target na maliliit na magsasaka at mangingisda, at matiyak na talagang nakararating ito sa mga benepisyaryo.
Tutugunan din aniya nito ang paghahanap ng solusyon sa mga programang wala pang sapat na pondo, gaya ng cloud seeding at pest management para sa mga taniman ng tubo na apektado ng red-striped soft-scale insect.
Ayon kay Enverga, bagama’t may inilaang ₱61.99 bilyong consolidated action plan ang Department of Agriculture para mabawasan ang epekto ng El Niño, mayroon pa ring ₱371 milyong kakulangan sa pondo para sa ilang mahahalagang interbensyon.
