Prayoridad ng Marcos Administration ang pagbibigay ng sapat na nutrisyon sa mga bata, partikular sa unang 1,000 araw ng kanilang buhay, sa pamamagitan ng coordinated na pagkilos ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. dapat matiyak na mayroong access ang bawat pamilya sa mga serbisyong kinakailangan, mula sa pagbubuntis hanggang sa ikalawang taon ng mga bata.
“Kapag napansin ng magulang na may problema sa paglaki ng kanyang anak, dapat alam nila kung saan pupunta, kung anong suporta ang makukuha, at kung anong proseso ang gagawin. Ito po ang nais nating tiyakin sa okasyong ito, sa pamamagitan ng Alagang Pinas Summit, ang mga serbisyong nasimulan sa ilalim ng PMNP ay magpapatuloy upang ang bawat batang nangangailangan ng tulong sa nutrisyon ay makaka-tanggap ng angkop at sapat na pangangalaga,” ani Pangulong Marcos.
Aniya, hindi lamang sapat na pagkain ang kailangan upang mapabuti ang nutrisyon ng mga bata, bagkus access sa serbisyong pangkalusugan, malinis na tubig, at maayos na sanitation.
Ayon kay Pangulong Marcos, kailangang matiyak na maayos at tuloy-tuloy na naihahatid ang mga serbisyong ito lalo na sa mga komunidad na higit na nangangailangan ng tulong.
Kaugnay nito, kinilala rin ng Pangulo na nananatiling hamon sa bansa ang malnutrisyon.
Dahil dito, nanawagan si Pangulong Marcos ng karagdagang suporta para sa LGUs na kapos sa pondo at teknikal na kakayahan, gayundin ng mas maayos na koordinasyon upang hindi maantala ang paghahatid ng mga serbisyo sa mga Pilipino.
“We must further strengthen local implementation capacity, address financing constraints, and make better use of nutrition data to guide decisions and measure results. National agencies must continue providing policy and technical support, while local governments take greater ownership of nutrition interventions by incorporating them into their regular programs and development priorities.” -Pangulong Marcos
Base sa datos, as of September 30, 2026, umabot na sa 6.17 milyon ang mga benepisyaryo ng proyekto sa 235 kalahok na mga munisipalidad.
Higit 500,000 batang wala pang limang taong gulang ang nasubaybayan at nabigyan ng serbisyo, habang 134 na munisipalidad ang nagtala ng malaking pagbaba sa bilang ng mga batang may stunting o pagkabansot matapos ang dalawang taong pagpapatupad ng mga programa mula sa iba’t ibang sektor.