Aprubado na ang dagdag-sahod para sa mahigit 313,000 manggagawa at kasambahay sa Ilocos Region at Cagayan Valley.
Kinumpirma kahapon ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang apat na bagong wage order na pakikinabangan ng 177,230 minimum wage earners at 136,686 kasambahay.
Sa Ilocos Region, tataas ng ₱35 hanggang ₱40 ang arawang minimum wage.
Magiging ₱545 ang minimum wage sa mga non-agricultural establishment na may 10 o higit pang empleyado.
Aabot naman sa ₱515 ang minimum wage sa agrikultura at mas maliliit na non-agricultural establishment kapag nakumpleto ang dalawang tranche ng dagdag-sahod.
Tataas din sa ₱7,150 ang buwanang minimum wage ng mga kasambahay sa rehiyon.
Sa Cagayan Valley, may dagdag na ₱30 hanggang ₱40 sa arawang minimum wage, habang magiging ₱7,000 ang minimum na buwanang sahod ng mga kasambahay.
Inaasahang magiging epektibo ang mga bagong wage order sa Disyembre, matapos ang kinakailangang publication period.